Sa pangatlo niyang nobela, isinasalaysay ni Carla M. Pacis ang kuwentong pamilyar sa maraming pamilya. Iniwan ng isang ina ang kaniyang mga mahal sa buhay para magtrabaho sa Hong Kong, sa pag-asang mapagbubuti ang buhay para sa kaniyang asawa at mga anak. Ngunit sa paglisan niya, nanganib na mawasak ang mismong pamilyang iniwan niya dahil sa pagmamahal.
Dala ng desperasyon at responsibilidad bilang panganay na anak, sinimulan ni Tonyo ang isang tila walang patumanggang paghahanap, iniwan ang isla na sinilangan niya para maibalik sa kanilang tahanan ang ina. Ang mga pakikipagsapalaran niya, mga taong nakadaupang-palad, mula sa mapanganib na piyer ng Maynila hanggnag sa makikinang na kalsada ng Hong Kong, ang magbibigay ng kakaibang buhay sa mga isyu ng pagsasakripisiyo para sa pamilya at pandarayuhang paggawa ng ngayo'y naging malaking bahagi na ng maraming Filipino.